|
||||||||
|
||
Sa panahon ng pagbaba ng halaga ng Lira, salapi ng Turkey, na dulot ng krisis sa ekonomiya ng bansa, ipinatalastas Agosto 10 ni Pangulong Donald Trump ng Estados Unidos ang pagdodoble ng taripa sa mga inaangkat na produktong asero at aluminyo mula sa Turkey, sa pamamagitan ng kanyang Twitter account.
Hindi ito ang unang beses na tinalikuran ng administrasyon ni Trump ang mga kaalyado at partner ng Amerika. Nitong nagdaang Mayo, makaraang sumang-ayon ang Amerika at Tsina na itigil ang "digmaang pangkalakalan," ipinatalastas ng administrasyon ni Trump ang pagpapataw ng taripa sa mga inaangkat na produktong Tsino. Hanggang sa kasalukuyan, ipinalabas na ni Trump ang katulad na kapasiyahan laban sa mga inaangkat na paninda mula sa mahahalagang kaalyado at kapartner nito na kinabibilangan ng Unyong Europeo (EU), Canada, Mehiko, Rusya, India at iba pa.
Isinasawaga ng administrasyon ni Trump ang patakarang "America First." Sa pagpapairal ng unilateralismong pangkalakalan, tumatalikod ito sa mga pangako at kapartne. Narito ang iba pang mga halimbawa. Sa ikaapat na araw, makaraang manungkulan si Trump bilang pangulong Amerikano, ipinatalastas niya ang pag-urong ng Amerika mula sa Trans-Pacific Partnership (TPP) Trade Deal. Tinalikuran din nito ang Paris Climate Agreement. Bilang isa sa mga pangunahing bansang nagbubuga ng carbon dioxide, idinahilan ng Amerika na humahadlang sa pag-unlad ng kabuhayan ng bansa ang nasabing kasunduan. Nitong nagdaang Mayo, ipinatalastas din ni Pangulong Trump ang pag-urong ng Amerika sa Joint Comprehensive Plan of Action (JCPOA) o Iran Nuclear Deal, at muling pagpapataw ng sangsyon laban sa Iran. Umurong din ang administrasyon ni Trump sa United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) at United Nations Human Rights Council.
Nakikita sa nasabing mga aksyon ng administrasyon ni Trump, na parang maaari itong maglilo sa kapartner at magtakwil ng responsibilidad na pandaigdig, sa anumang sandali para lamang sa sariling interes. Karapat-dapat pa ba itong igalang at paniwalaan?
Salin: Jade
Pulido: Rhio
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |