HIGIT na paghuhusayin ng Pilipinas at Nigeria ang pagtutulungan sa larangan ng ekonomiya, aquaculture at maging sa larangan ng drug trafficking. Ito ang kinalabasan ng Third Joint Commission Meeting na natapos noong Miyerkoles, ika-15 ng Agosto sa pulong na ginanap sa Conrad Hotel, sa Pasay City.
Sa natapos na konsultasyon, nagkasundo ang magkabilang panig na palakasin ang mekanismo sa larangan ng ekonomiya at maging sa technical, cultural at educational cooperation. Pinagusapan din ang mga panukala upang payabungin ang pagtutulungan sa agriculture, aquaculture, trade, tourism at youth development.
Pilipinas at Nigeria nagkasundong palalimin pa ang relasyon. Makikita sina Foreign Affairs Undersecretary Enrique Manalo (kaliwa) at Nigerian Foreign Affairs Permanent Secretary Olukunle Bamgbose bago nagsimula ang Joint Consultative Meeting sa Maynila. (DFA Photo)
Makikipagtulungan ang Pilipinas upang masugpo ang transnational crime lalo na sa anti-drug trafficking. Magkakaroon din ng mga kasunduan sa aquaculture upang matugunan ang mga isyu ng food security.
Ito ang sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary for Policy at Philippine head of delegation Enrique Manalo at sa panig ng Nigeria, isusulong nito ang pagpapalitan ng pagdalaw ng mga mangangalakal upang mapasigla ang kasalukuyang trade at investment relations. Nais din nilang magkaroon ng partnership sa larangan ng edukasyon para sa mga mamamayan ng dalawang bansa.