|
||||||||
|
||
UMAASA ang Pilipinas na magkakaroon ng sampung loan financing deals sa Tsina sa pagdalaw ni Pangulong Xi Jinping sa Nobyembre. Ito ang sinabi ni Budget and Management Secretary Benjamin Diokno kanina.
Ang utang ay gagamitin sa malalaking infrastructure project sa ilalim ng Build, Build, Build program ni Pangulong Duterte.
Dadalaw si Pangulong Xi Jinping matapos dumalaw sa Papua New Guinea sa Nobyembre. Kabilang sa utang ang US$ 228.25 milyong gagamitin sa New Centennial Water Source-Kaliwa Dam na magdaragdag na 60 milyong litro ng tubig upang matiyak ang supply ng tubig sa Metro Manila.
Ang North-South Railway-South Line na nagkakahalaga ng US$ 3.279 bilyon na pakikinabangan ng mga pasahero mula Los Banos, Laguna hanggang Matnog, Sorsogon. Mayroon din itong sangay sa Calamba patungong Batangas.
Kasama rin sa uutangin ng Pilipinas ang Safe Philippines Phase 1 na nagkakahalaga ng US$ 380 milyon para sa pagtatayo ng integrated command center para sa 911 public safety answering point, 18 city-level command centers sa Matro Manila at Davao, video surveillance system sa pamamagitan ng communications infrastructure at data center na mayroong remote data back-up center.
Kasama pa rin sa uutangin ang Subic-Clark Railway na nagkakahalaga ng US$ 1.069 bilyon para sa 65 kilometrong daangbakal na dadaan sa right-of-way ng Subic-Clark-Tarlac Expressway at Subic Freeport Expressway.
Noong unang dumalaw si Pangulong Duterte sa Tsina, nangako ang liderato na magpapautang ng US$ 9 bilyon para sa mga pagawaing-bayan ng pamahalaan.
Nalagdaan na ang pautang para sa Chico River Pump Irrigation project na nagkakahalaga ng US$ 81.81 milyon.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |