Nakatakdang dumalaw sa Timog Korea (ROK), Tsina at Hapon ang bagong espesyal na sugong Amerikano sa patakaran sa Hilagang Korea na si Stephen Biegun, mula ika-10 hanggang ika-15 ng buwang ito, para magtalakayan hinggil sa isyu ng Korean Peninsula.
Ayon sa pahayag na inilabas Huwebes, Setyembre 6 (local time), ng Kagawaran ng Estado ng Amerika, makikipag-usap si Biegun sa mga may kinalamang opisyal ng nasabing tatlong bansa para maisakatuparan ang pinal at lubos na mapapatunayang denulearisasyon ng Korean Peninsula, sa pamamagitan ng pagsisikap na diplomatiko.
Isang araw nauna rito, sa kanyang pakikipagtagpo sa delegasyong pinamumunuan ng espesyal na sugo ng pangulo ng Timog Korea, inulit ni Kim Jong-un, Kataas-taasang Lider ng Hilagang Korea (DPRK) ang buong tatag na kahandaan ng denuklearisasyon ng peninsula. Narating din ng dalawang panig ang kasunduan hinggil sa iskedyul at agenda ng pagtatagpo nina Kim at Pangulong Moon Jae-in na nakatakdang idaos sa buwang ito.
Ipinahayag naman ni Pangulong Donald Trump ng Amerika ang paghanga sa nasabing atityud ni Kim at kahandaang isakatuparan ang denuklearisasyon ng Korean Peninsula, kasama ng Hilagang Korea.
Salin: Jade
Pulido: Mac