Ipinahayag kamakailan ni Fang Chunming, Pangalawang Pangulo ng Rehiyong Awtonomo ng Lahing Zhuang ng Guangxi ng Tsina, na ang agrikultura ay mahalagang larangang pangkooperasyon sa pagitan ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Malawak aniya ang prospek ng kooperasyon ng dalawang panig sa larangang ito. Aniya, kasunod ng walang humpay na pagpapabilis ng pagpasok ng teknikang agrikultural ng Tsina sa ASEAN, nakikita ang mga bagong kasiglahan sa kooperasyon ng dalawang panig sa mga larangang gaya ng talento, at kabuhayan at kalakalan.
Ginanap Linggo, Setyembre 16, 2018, sa Nanning, punong lunsod ng Rehiyong Awtonomo ng Lahing Zhuang ng Guangxi ng Tsina, ang Ikalawang Simposyum hinggil sa Pagpapalitan at Pagtutulungan sa Siyensiya't Teknolohiyang Agrikultural ng Tsina (Guangxi) at ASEAN. Malalimang tinalakay ng mga kalahok ang tungkol sa kooperasyong Sino-ASEAN sa agrikultura para mapasulong ang kanilang pagpapalitan at pagtutulungan sa iba't-ibang larangan.
Salin: Li Feng