New York, punong himpilan ng UN--Ipinahayag Miyerkules, Setyembre 26 (local time), 2018 ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina ang patuloy na suporta ng bansa sa bumubuting situwasyon ng Korean Peninsula.
Sa kanyang magkahiwalay na pakikipagtagpo kina Ri Yong Ho, Ministrong Panlabas ng Hilagang Korea (DPRK) at Kang Kyung-wha, Ministrong Panlabas ng Timog Korea (ROK), sa sidelines ng serye ng pulong sa mataas na antas ng Pangkalahatang Asemblea ng United Nations (UN), ipinahayag ni Wang ang pag-asa ng Tsina na patuloy na magsisikap ang iba't ibang may kinalamang panig para maisakatuparan ang denuklearisasyon ng Korean Peninsula.
Inilahad naman ng mga ministrong panlabas ng Hilaga at Timog Korea ang pasasalamat at pagpapahalaga sa ginagampanang mahalagang papel ng Tsina sa isyu ng Korean Peninsula. Nakahanda anila silang patuloy na makipagkoordinahan kaugnay nito sa panig Tsino.
Salin: Jade
Pulido: Rhio