|
||||||||
|
||
ISANG hukom sa Makati Regional Trial Court ang nag-utos na dakpin si Senador Antonio Trillanes IV matapos ang halos tatlong linggong paghiling ng pamahalaang ipakulong ang mambabatas matapos pawalang-saysay ang amnesty na iginawad sa kanya ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III.
Ayon kay Judge Elmo Alameda ng Makati Regional Trial Court Branch 150, kinatigan niya ang kahilingan ng Department of Justice na maglabas ng warrant of arrest at hold departure order laban sa mambabatas na kabilang sa oposisyon.
Makapaglalagak si Senador Trillanes ng piyansang aabot sa P 200,000 ayon sa kautusan ng hukuman na napapaloob sa 22-pahinang desisyon.
Isang sherrif na sinamahan ng isang pulis ang umalis na sa hukuman at nagtungo na sa Senado.
Ayon naman kay Sgt.-At-Arms retired General Jose Balajadia ng Senado umalis sa Senado si Senador Antonio Trillanes IV mga pasado ikatlo ng hapon at payapang sumuko kay NCRPO Director Guillermo Eleazar na nagtungo sa Senado dala ang warrant of arrest.
Dumating umano si General Eleazar sa Senado dala ang sipi ng warrant of arrest at ipinakita sa tanggapan ng Sgt. At Arms. Ipinakita ni General Eleazar ang warrant of arrest at binasa ang mga karapatan ng dinadakip na kilala sa pangalang Miranda Rights.
Ayon kay retired General Balajadia, nagtungo sina General Eleazar at Senador Trillanes sa parking lot at sinabing sasakay na siya sa police car. Hindi naman pinosasan si Senador Trillanes na sumakay na sa police car at inutusan ni General Balajadia ang kanyang tauhan na samahan ang senador at alamin kung saan patutungo.
Sumama rin sa police station sina Senador Francis Pangilinan at Paolo Benigno Aquino IV patungo sa police station at sa hukuman upang magpiyansa.
Tumugon si Senador Antonio Trillanes sa "booking procedures" ng Makati City Police kasunod ng pagdakip sa kanya matapos kanselahin ang amnesty na iginawad sa kanya.
Samantala, sinabi ni Senador JV Ejercito na mas makabubuti sanang napag-usapan na lamang ang mga 'di pagkakaunawaan sa pagitan ni Senador Trillanes at ng ehekutibo. Ayon sa mambabatas, mahalaga rin ang Oposisyon sa isang demokrasya nagkataon nga lamang na naging personal na ang mga maaanghang na kataga ng magkabilang panig.
BInanggit naman ni Magdalo Party List Congressman Gary Alejano na bumigay ang Makati Regional Trial Court sa "pressure" mula sa pamahalaang Duterte.
Sinabi ng mambabatas na may bumigay sa pressure ng administrasyon. Ito ang kanyang pahayag sa isang press conference matapos lumabas ang arrest warrant at hold departure order laban sa senador.
Magugunitang pinawalang-saysay ni Pangulong Duterte ang amnesty na ibinigay sa senador na isa sa mga namumuno sa ilang pag-aaklas laban sa pamahalaan noong panahon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Ayon kay Congressman Alejano, makapaglalabas lamang ang arrest warrant ang regional trial court kung nalutas na ang dalawang isyu. Kailangang buhaying muli ang usapin bago makapaglabas ng warrant of arrest. Nararapat pawalang-saysay muna ang amnesty.
Hindi basta mapapawalang-saysay ang amnesty sa pamamagitan ng ehekutibo lamang at mangangailangan ng pag-sangayon ng Kongreso.
Sa likod ng pangyayaring ito, kikilalanin pa ng Magdalo ang prosesong legal sa paglutas sa usapin laban kay Senador Trillanes na kasapi ng kanilang grupo.
Sinabi ni Congressman Edcel Lagman ng Albay na nararapat ibalik sa Korte Suprema ang usapin sapagkat ang Korte Suprema mismo ang nag-utos sa Makati RTC na magsagawa ng fact-finding sa usapin.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |