NANINIWALA naman si Justice Secretary Menardo Guevarra na marapat lamang suriin ang amnesty na iginawad sa mga nagrebeldeng mga kawal sa pinaka-pinuno nito na si Senador Antonio Trillanes IV. Magugunitang pinawalang-saysay ang amnesty na iginawad sa lider ng mga nagrebeldeng kawal noong panahon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at ngayo'y pinakamapait na bumatikos sa Pamahalaang Duterte.
Inaalam na rin ng Armed Forces of the Philippines kung sumunod bas a mga kautusan ang ibang mga kasapi ng Magdalo. Inilayo ni Secretary Gueverra ang kanyang tanggapan sa pagsusuri sa mga papel ng mga nagrebeldeng kawal noong mga unang taon ng 2000.
Hindi naman umano niya pinangungunahan ang iba sa pamahalaan subalit naniniwala siyang malaki ang posibilidad na pagbalik-aralan o mabuksan ang kanilang mga usapin. May posibilidad umanong baka papanagutin ang mga kawal na 'di tumupad sa itinatadhana ng batas.
Sa ngayon, nakatuon lamang ang Department of Justice sa usapin ni Senador Trillanes. Magugunitang nakakuha ng paborableng desisyon ang Department of Justice sa Makati Regional Trial Court Branch 150 sa ilalim na Judge Elmo Alameda.