Tuluy-tuloy na isinagawa kamakailan ng mga bansang gaya ng Britanya at Pransya ang paglalayag sa South China Sea. Kaugnay nito, ipinahayag Huwebes, Setyembre 27, 2018 ni Ren Guoqiang, Tagapagsalita ng Ministri ng Tanggulang Bansa ng Tsina, na ang South China Sea ay hindi rehiyon para sa pagpapakita ng iilang bansa ng malakas na naval presence. Aniya, tutol ang tropang Tsino sa hayagang pag-abuso ng ilang bansa sa labas ng rehiyon sa umano'y "kalayaan ng paglalayag."
Tinukoy ni Ren na nitong nakalipas na ilang panahon, sa ilalim ng magkasamang pagsisikap ng Tsina at mga bansang ASEAN, matatag na bumubuti ang kalagayan ng South China Sea, bagay na lubos na nagpapakitang may talino, kakayahan at paraan ang mga bansa sa loob ng rehiyon para maayos na hawakan ang isyu ng karagatang ito.
Aniya, iginagalang at pinangangalagaan ng Tsina ang kalayaan ng iba't ibang bansa sa paglalayag at paglilipad sa rehiyon ng South China Sea batay sa pandaigdigang batas. Pero buong tatag na tinututulan ang anumang ilegal na aksyon at probokasyon, sa ngalan ng kalayaan ng paglalayag.
Salin: Vera