Beijing,Tsina—Kinumpirma Huwebes, Mayo 10, 2018 ni Geng Shuang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina ang pasinaya ng South China Sea (SCS) Tsunami Advisory Centre, sa awtorisasyon ng Intergovernmental Oceanographic Commission (IOC) ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO).
Ang sentro ay 24 oras na magmomonitor sa tsunami at magbibigay ng babala at impormasyon sa mga bansa sa paligid ng SCS na kinabibilangan ng Tsina, Brunei, Cambodia, Indonesia, Malaysia, Pilipinas, Singapore, Thailand, at Vietnam. Magsasagawa rin ang sentro ng pagsasanay at mga aktibidad ng publisidad.
Pinasinayaan ang nasabing sentro sa presensya ni Vladimir Ryabinin, Assistant Director-General ng IOC ng UNESCO. Nagsubok-takbo ito simula Enero, 2018.
Ipinahayag din ng tagapagsalitang Tsino ang kahandaan ng bansa na magkaloob ng mas maraming pampublikong produkto at serbisyo para sa bansa sa rehiyon, at makipagtulungan sa kanila para matiyak ang kapayapaan at katatagan sa SCS, at itatag ang katubigan bilang karagatan ng kapayapaan, pagkakaibigan at kooperasyon.
Salin: Jade
Pulido: Mac