Ipinatalastas kahapon, Biyernes, ika-5 ng Oktubre 2018, ng panig opisyal ng Indonesya, ang pagwakas ng operasyon ng paghahanap at pagliligtas sa lalawigang Central Sulawesi, na grabeng nasalanta ng malakas na lindol at tsunami. Kasunod ng pagpapanumbalik ng koryente, telekomunikasyon, at mga pasilidad na pantransportasyon, pumapasok na sa yugto ng restorasyon at rekonstruksyon ang mga apektadong lugar.
Ayon pa rin sa estadistika ng National Agency for Disaster Management ng Indonesya, 1571 katao ang nasawi sa nabanggit na malakas na lindol at tsunami na dulot nito, na naganap noong ika-28 ng nagdaang buwan. 2549 na katao ang nasugatan, at 113 iba pa ang nawawala. Lumampas sa 10 trilyong Indonesian Rupiah o halos 660 milyong Dolyares ang halaga ng kapinsalaan. Ito ang pinakagrabeng likas na kalamidad sa Indonesya, nitong 5 taong nakalipas.
Salin: Liu Kai