Nakipagtagpo ngayong araw, Lunes, ika-8 ng Oktubre 2018, sa Beijing, si Wang Yi, Ministrong Panlabas at Kasangguni ng Estado ng Tsina, kay Mike Pompeo, Kalihim ng Estado ng Amerika.
Sinabi ni Wang, na nitong nakalipas na ilang panahon, pinasisidhi ng panig Amerikano ang alitang pangkalakalan sa Tsina, isinagawa ang mga aksyon sa isyu ng Taiwan na nakakapinsala sa interes ng Tsina, at walang batayang binatikos ang mga patakarang panloob at panlabas ng Tsina. Ang mga ito aniya ay nakasira sa pagtitiwalaan ng dalawang bansa, nagdulot ng negatibong epekto sa prospek ng relasyong Sino-Amerikano, at hindi angkop sa interes ng mga mamamayan ng dalawang bansa. Hinihiling ng Tsina sa Amerika na agarang itigil ang mga maling pananalita at aksyon, ani Wang.
Ipinahayag din ni Wang ang pag-asang, ang biyaheng ito ni Pompeo sa Beijing ay makakatulong sa pagsasakatuparan ng malusog at matatag na relasyong Sino-Amerikano. Dahil aniya, ang ganitong relasyon ay mahalaga para sa pagtutulungan ng dalawang bansa sa pagsasabalikat ng mga responsibilidad sa mga isyung pandaigdig.
Salin: Liu Kai