IKINAGALAK ng mga paring Franciscano na nagdala ng puso ni Santo Padre Pio sa Pilipinas ang malalim na debosyon ng mga Filipino, lalo na ng mga kabataan.
Sinabi ni Fra Giovanni Delle Carri, isa sa dalawang nag-aalaga sa relic, na lubha silang naantig sa debosyon ng mga Filipino na nagtiyaga sa init, ulan at mahabang pila upang magbigay-galang sa relic.
Tunay umano ang pananampalataya ng mga Filipino na siyang nagpapahalaga sa Santo Padre Pio. Marami umanong nagtiyaga upang magbigay-galang sa pusong 'di naaagnas ng banal na paring Franciscano.
Libong mga mamamayan ang pumila upang makita ang relic, mangumpisal at dumalo sa Misa sa Manila Cathedral. Dadalhin naman ang relic sa Cebu City bukas ng umaga matapos ang Misa sa ganap na ika-anim.