|
||||||||
|
||
Sa kanyang pagharap sa mga media na ari ng bansa nitong Biyernes, Oktubre 19, sinagot ni Liu He, Pangalawang Premyer ng Tsina ang mga tanong hinggil sa maiinit na isyung ekonomiko at pinansyal ng bansa na gaya ng stock market at mga pribadong kompanya.
Kaugnay ng pagbabagu-bagong stock market ng Tsina kamakailan, sinabi ni Liu na bunga ito ng iba't ibang elemento na gaya ng pagtaas ng interes rate ng Bangko Sentral ng bansa, pagsasaayos ng estrukturang pangkabuhayan ng Tsina at alitang pangkalakalan ng Tsina't Amerika.
Bilang tugon sa epekto ng alitang pangkalakalan ng Tsina't Amerika, sinabi ni Liu na sa kasalukuyan, pinananatili ng dalawang bansa ang pag-uugnayan hinggil dito, at ipinakikita nitong ayaw ng kapwa panig na lumala pa ang nasabing alitan. Si Liu ay nanunungkulan din bilang koordinador ng Diyalogong Pangkabuhayan ng Tsina't Amerika.
Hinggil naman sa pagbaba ng stock market nitong ilang mga araw na nakalipas, sinabi ng pangalawang premyer Tsino na ang kasalukuyang pagsasaayos ay nakalikha ng magandang pagkakataon para sa malusog at pangmatagalang pag-unlad ng stock market ng bansa.
Inulit din ni Liu ang pagkatig ng bansa sa mga pribadong kompanya. Sinabi niyang ang mga pribadong kompanya ay gumaganap ng napakahalagang papel sa kabuhayan ng Tsina. Lampas sa 50% ang kanilang ambag sa kita sa buwis ng bansa, 60% ang kontribusyon nila sa GDP, 70% sa inobasyong panteknolohiya, 80% sa hanap-buhay ng mga siyudad, at 90% sa mga bagong trabaho. Upang katigan ang mga pribadong kompanya, ipinagdiinan ni Liu ang mataas na pagpapahalaga sa kahirapan ng mga micro, maliit at katamtamang laking bahay-kalakal sa pangongolekta ng pondo at iba pa para maitakda ang mas mainam na katugong patakaran at hakbangin at matulungan sila sa pagpapalakas ng kakayahan sa sariling pag-unlad.
Upang ibayo pang mapasulong ang pambansang kabuhayan at makalikha ng mas magandang kinabukasan para sa bansa at sambayanang Tsino, sinabi ni Liu na sa hinaharap, bukod sa nabanggit na pagsuporta sa mga pribadong kompanya, kailangan ding palalimin ang reporma ng mga kompanyang ari ng estado at palakasin ang kakayahan ng sistemang pinansyal para paglingkuran ang real economy. Kasabay nito, kailangan ding pahalagahan ang pangangailangan ng lumalaking middle-income group ng bansa, isyu ng pagtanda ng populasyon, bagong round ng rebolusyong panteknolohiya at pang-industriya, at berdeng pag-unlad.
Salin: Jade
Pulido: Mac
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |