Ayon sa estadistikang inilabas ngayong araw, Biyernes, ika-19 ng Oktubre 2018, ng Pambansang Kawanihan ng Estadistika ng Tsina, mula noong Enero hanggang Setyembre ng taong ito, lumaki ng 6.7% ang GDP ng bansa at nananatili ito sa matatag na lebel.
Sinabi ni Tagapagsalita Mao Shengyong ng naturang kawanihan, na bukod sa paglaki ng GDP, maganda rin ang mga iba pang indeks na pangkabuhayan ng Tsina noong unang tatlong kuwarter ng taong ito. Halimbawa aniya, lumampas sa 11 milyon ang paglaki ng bilang ng mga taong nagkakaroon ng trabaho, lumaki ng 2% ang Consumer Price Index, at lumaki naman ng 6.6% ang urban per capita income.
Sinabi rin ni Mao, na ang mga ito ay mga paborableng elemento na magiging batayan para manatiling matatag at maganda ang takbo ng kabuhayang Tsino sa susunod na taon, sa harap ng mga di-paborableng elemento sa labas ng bansa, na gaya ng bumabagal na paglaki ng kabuhayan at kalakalang pandaigdig, kaligaligan sa pandaigdig na pamilihang pinansyal, epektong dulot ng alitang pangkalakalan ng Tsina at Amerika, at iba pa.
Salin: Liu Kai