Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Kompanyang Tsinong may higit-kumulang sa 17,000 empleyadong Pilipino, binisita ng Pilipinong embahador sa Tsina: pinalakas na pagtutulungan, ipinangako

(GMT+08:00) 2018-10-25 15:42:34       CRI
Beijing – Binisita, nitong Miyerkules, Oktubre 24, 2018 ni Jose Santiago Sta. Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina ang kompanyang Tsino na 51 Talk.

Embahador Jose Santiago Sta. Romana, kasama ang mga opisyal ng 51 Talk habang binibisita ang nasabing kompanya

Sa kanyang pakikipag-usap kay Jiajia Huang, Tagapagtatag at Chief Executive Officer ng nasabing kompanya, pinapurihan ni Sta. Romana ang mga proaktibong hakbang na ginagawa ng kompanya upang bigyan ng disenteng trabaho ang mga Pilipino.

Embahador Jose Santiago Sta. Romana (kaliwa) at Jiajia Huang (kanan) habang nagkakamay

Ang 51 Talk ay isang kompanyang Tsino, kung saan halos 16,000 Pilipino ang nagtatrabaho bilang online na tagapagturo ng Ingles sa mga Tsino.

Bukod dito, mayroon pa itong halos 1,000 full time na empleyadong nasa mga tanggapan sa Pilipinas.

Ito'y nakabase sa Beijing at may mga opisina sa mga lunsod ng Tsina na gaya ng Shanghai, Wuhan, Guangzhou, at Shenzhen.

Sa Pilipinas, ang 51 Talk ay may mga tanggapan din sa Manila, Baguio at Bacolod.

Ang 51 Talk ay siya ring kauna-unahang kompanyang Tsino sa larangan ng online education na nagkaroon ng share sa New York Stock Exchange ng Amerika.

Ipinangako ni Sta. Romana kay Huang ang matatag na suporta ng Embahada ng Pilipinas sa Beijing upang tumulong sa mga gawain at proyekto ng 51 Talk.

Embahador Jose Santiago Sta. Romana, habang tinitingnan ang mga kagamitan sa online na pagtuturo ng Ingles

Aniya, sa pagkakalagda kamakailan ng Pilipinas at Tsina sa Memorandum of Understanding (MOU) hinggil sa pagpasok ng mga Pilipinong guro ng Ingles sa Tsina, pumasok din ang di-masukat na posibilidad sa pagkakaroon ng kolaborasyon ng mga talento ng dalawang bansa.

Anang embahador, mayroong mataas na kakayahan ang mga Pilipino sa pagsasalita, pagsusulat at pagtuturo ng wikang Ingles, samantalang malaki naman ang pangangailangan ng Tsina para sa mga taong maaaring magturo nito; kaya, sa pamamagitan ng 51 Talk, napakaraming oportunidad ang nabuksan para magkaroon ng trabaho ng maraming Pilipino.

Samantala, ang naturang MOU ay magsisilbing katalista upang lalo pang mapalakas ang pangangailangan para sa mga Pilipinong guro ng Ingles sa Tsina, dagdag ni Sta. Romana.

Embahador Jose Santiago Sta. Romana (ika-5 mula sa kanan) at Jiajia Huang (ika-4 mula sa kanan) kasama ang mga opisyal ng Embahada ng Pilipinas sa Beijing at 51 Talk

Ayon naman kay Jiajia Huang, kapana-panabik para sa 51 Talk ang pagkakalagda ng nasabing MOU, dahil sa pamamagitan nito, makikilala ng mga Tsino ang abilidad ng mga Pilipino sa wikang Ingles, at magbibigay rin ito ng lehitimasiya sa pagkakaroon ng mas marami pang Pilipinong tagapagturo ng Ingles sa Tsina.

Ang mga Pilipino ay palakaibigan, masipag, di-mareklamo, at may natural na abilidad sa pagtuturo ng Ingles sa mga kabataang Tsino, dagdag ni Huang.

Aniya, ang oras ng Tsina at Pilipinas ay magkapareho, kaya, ang mga Pilipino ang tumpak pagpili.

Embahador Jose Santiago Sta. Romana, habang kinakausap ang isa sa mga estudyante ng 51 Talk

Para kay Huang, ang mga Pilipino ang pinakamagaling na tagapagturo ng Ingles sa buong mundo, kaya naman gustung-gusto niyang magkaroon pa ng mas maraming Pilipino sa 51 Talk.

Aniya, hindi sapat ang halos 16,000 tagapagturong Pilipino, at nais niyang magkaroon ng 100,000 tagapagturong Pilipino sa kanyang kompanya sa taong 2020.

Ani Huang, sa tulong ng Embahada ng Pilipinas sa Beijing, umaasa siyang magkakaroon pa ng mas maraming pag-unlad ang 51 Talk upang makapagbigay ng mas dekalidad na serbisyo ng pagtuturo ng Ingles sa mga Tsino at makagawa ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino.

Jiajia Huang (nakatalikod) habang ipinakikita kay Embahador Sta. Romana ang kauna-unahang opisina ng 51 Talk na tinaguriang "Manila"

Aniya, ang 51 Talk ay nagsisilbing tulay ng edukasyon, kultura at pagkakaibigan sa pagitan ng mga Tsino at Pilipino.

Dagdag pa niya, sa ngayon, halos 1,000 tagapagturong Pilipino ang natatanggap sa 51 Talk kada buwan, at para sa mga gustong subukang maging aplikante, magtungo lang sa 51talk.ph, magrehistro at sundin lang ang mga direksyon.

Ulat/Larawan: Rhio
Web-edit: Jade

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>