Muling ipinahayag ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina ang kahandaan ng bansa na palakasin ang pakikipagdiyalogo sa pamahalaang Amerikano para mapasulong ang pagtitiwalaan at pagtahak sa tumpak na landas ng relasyon ng dalawang bansa. Angkop ito sa interes ng dalawang bansa at hangarin din ito ng mga mamamayang Tsino't Amerikano, diin ni Hua.
Ito ang winika ni Hua sa regular na preskon nitong Huwebes, Oktubre 25, bilang tugon sa isang survey ng Amerika. Ayon sa survey na ginawa ng Chicago Council on Global Affairs at Pew Research Center, ang mga respondent na Amerikano mula 18 hanggang 29 taong gulang ay nagkakaroon ng mas positibong palagay hinggil sa Tsina, 50% ng mga respondent ang nagpapalagay na magkaparnter ang Tsina't Amerika, at 72% ng mga respondent ang naniniwalang mas mahalaga ang kasalukuyang Tsina kumpara sa Tsina noong 10 taon na ang nakakaraan.
Sa pangkalahatan, hindi nakikita ng mga Amerikano ang Tsina bilang banta sa Amerika: ito'y taliwas sa paglalarawan ng panig opisyal ng Amerika sa Tsina bilang "pinakamalaking banta."
Sinabi ni Hua na ipinakikita nitong karamihan sa mga mamamayang Amerikano ay nasasabik sa malusog at matatag na relasyon ng Tsina't Amerika.
Salin: Jade
Pulido: Rhio