Great Hall of the People, Beijing—Biyernes, Oktubre 26, 2018, nakipagtagpo si Li Zhanshu, Tagapangulo ng Pirmihang Lupon ng Pambansang Kongresong Bayan (NPC) ng Tsina, kay Shinzo Abe, dumadalaw na Punong Ministro ng Hapon.
Sinabi ni Li na ang kasalukuyang taon ay ika-40 anibersaryo ng pagkalagda ng kasunduan sa kapayapaan at pagkakaibigan ng Tsina at Hapon. Sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina at mga lider ng Hapon, bumalik sa normal na landas ang relasyong Sino-Hapones, at lumitaw ang positibong tunguhin ng pagbuti, ani Li. Nakahanda aniya ang NPC na palakasin ang pagpapalitan ng mga organong lehislatibo sa iba't ibang antas ng dalawang bansa, at ipagkaloob ang suportang pulitikal, pambatas at pampatakaran para sa pag-unlad ng relasyong Sino-Hapones.
Ipinahayag naman ni Abe na lubos na pinahahalagahan ng panig Hapones ang relasyon nito sa Tsina. Nakahanda aniya siyang pahigpitin ang pakikipagpalitan sa panig Tsino sa mataas na antas, pasulungin ang kooperasyon sa iba't ibang larangan, at paunlarin ang relasyong Sino-Hapones sa bagong yugto.
Salin: Vera