Great Hall of the People—Sinalubong at kinausap Biyernes ng umaga, Oktubre 26, 2018 ni Premyer Li Keqiang ng Tsina si Shinzo Abe, dumadalaw na Punong Ministro ng Hapon. Narating ng kapuwa panig ang malawakang komong palagay. Kapuwa nagkasundo ang dalawang lider, na ang pangangalaga sa relasyong Sino-Hapones na may pangmatagalan, matatag at malusog na pag-unlad ay hindi lamang angkop sa komong interes ng dalawang bansa, kundi makakabuti rin sa rehiyon at buong daigdig. Nananalig silang kung bibigyang-pansin ang pangkalahatang kalagayan, tiyak na mapapasulong ang paglikha ng magandang kinabukasan ng relasyong Sino-Hapones.
Sinabi ni Li na sa loob ng kalahating taon, naisakatuparan ang pagdadalawan ng mga lider ng dalawang pamahalaan, bagay na nagpapakita ng pananabik ng mga mamamayan ng dalawang bansa sa pagpapabuti ng relasyong Sino-Hapones, at pagsasakatuparan ng kapayapaan, pagkakaibigan, at komong kaunlaran. Aniya, aktibong kinakatigan ng panig Tsino ang pagtataguyod ng Hapon ng G20 Summit sa Osaka, at nakahanda siyang anyayahan si Abe para dumalo sa ika-8 pulong ng mga lider ng Tsina at Hapon sa angkop na panahon sa susunod na taon.
Isang delegasyong binubuo ng halos 1,000 mangangalakal na Hapones ang sumasama sa kasalukuyang biyahe ni Abe sa Tsina. Pagkatapos ng pag-uusap, magkasamang sumaksi ang dalawang lider sa paglagda sa mga kasunduan ng mga departamento ng pamahalaan ng kapuwa panig sa mga larangang gaya ng diplomasya, makro-ekonomiya, securities, adwana at iba pa.
Ipinahayag naman ni Abe na tumutungo sa bagong yugto ang relasyon ng dalawang bansa, at nakahanda siya, kasama si Premyer Li, na puspusang pasulungin ang relasyong ito.
Salin: Vera