Beijing, Tsina—Huwebes ng umaga, Nobyembre 1, 2018, sa talumpati ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa isang simposyum ng mga pribadong bahay-kalakal, biniyang-diin niyang nagsilbing mahalagang bahagi ng sosyalistang sistemang may katangiang Tsino ang pundamental na sistemang pangkabuhayan kung saan ang pangunahing bahagi nito ay pampublikong pagmamay-ari, kasabay ng magkakasamang pag-unlad ng iba't ibang uri ng pagmamay-ari. Ito rin aniya ay di-maiiwasang kahilingan sa pagkumpleto ng sistema ng sosyalistang market economy.
Ipinagdiinan ni Xi na hindi nagbabago ang katayuan at papel ng di-pampublikong ekonomiya sa pag-unlad ng kabuhaya't lipunan ng Tsina. Patuloy at buong tatag na pasisiglahin, kakatigan, at papatnubayan ng bansa ang pag-unlad, at lilikhain ang mas magandang kapaligiran at mas maraming pagkakataon para sa pag-unlad nito, dagdag pa niya.
Dumalo sa simposyum ang mga pangunahing namamahalang tauhan ng mga kaukulang departamento ng pamahalaan, at mga kinatawan ng mga pribadong mangangalakal at kaukulang organong pinansyal.
Salin: Vera