Sa panayam kamakailan sa China Radio International kaugnay ng gagawing Summit ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na dadaluhan nina Premyer Li Keqiang ng Tsina at mga lider ng mga bansang ASEAN, ipinahayag ni Huang Xilian, Embahador ng Tsina sa ASEAN, ang pananalig na matatamo ng summit ang masasaganang bunga, at mapapasulong ang pagtaas ng lebel ng estratehikong partnership ng dalawang panig. Kompiyansa rin aniya siyang maitatatag ang mas mahigpit na komunidad ng pinagbabahaginang kinabukasan.
Binigyan ni Huang ng positibong pagtasa ang kasalukuyang mga bagong progreso ng relasyong Sino-ASEAN sa limang aspekto, na gaya ng pagpapalagayan sa mataas na antas, pagtitiwalaang estratehiko, kooperasyong pangkabuhaya't pangkalakalan, pinapalawak na larangang pangkooperasyon, at koordinasyon sa mga suliraning panrehiyon.
Dagdag niya, sa gagawing China-ASEAN Summit, inaasahang ilalabas ang 2030 Vision for ASEAN-China Strategic Partnership. Ito aniya ay magpapakita ng komong hangarin ng Tsina at ASEAN para sa pag-unlad ng relasyon sa hinaharap, at aktuwal na pangangailangan sa integrasyon ng mga estratehiyang pangkaunlaran ng dalawang panig.
Pagdating naman sa kalagayan sa South China Sea, ipinahayag ni Huang, na sa ilalim ng magkakasamang pagsisikap ng Tsina at iba't ibang bansang ASEAN, nagiging matatag at mabuti ang kalagayan sa karagatang ito. Aniya, aktibo at bukas ang Tsina sa pagpapasulong ng pagsasanggunian, para balangkasin sa lalong madaling panahon ang Code of Conduct in the South China Sea, na batay sa komong palagay at angkop sa komong interes ng iba't ibang panig.
Salin: Liu Kai