Idinaos ngayong araw, Miyerkules, ika-14 ng Nobyembre 2018, sa Singapore, ang Ika-21 Summit ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Ito rin ay bilang paggunita sa ika-15 anibersaryo ng estratehikong partnership ng dalawang panig.
Sa kanyang talumpati sa summit, ipinahayag ni Premyer Li Keqiang ng Tsina, na nitong nakalipas na 15 taon, nagkaroon ng malaking pag-unlad ang relasyong Sino-ASEAN, at isinasagawa ng dalawang panig ang komprehensibong kooperasyon sa iba't ibang antas at larangan. Kabilang dito aniya, itinatag at ini-upgrade ng dalawang panig ang pinakamalaking sona ng malayang kalakalan sa pagitan ng mga umuunlad na bansa. Pinangangalagaan din aniya ng dalawang panig ang matatag na kalagayan sa South China Sea, sa pamamagitan ng pagpapatupad ng Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC). Dagdag ni Li, narating na ang single draft negotiating text ng Code of Conduct in the South China Sea, at sinang-ayunan ng iba't ibang panig na isagawa ang unang round ng pagsusuri sa loob ng darating na taon. Muli rin niyang ipinahayag ang kahandaan ng Tsina, na magsikap, kasama ng iba't-ibang panig, upang tapusin ang pagsasanggunian hinggil sa COC sa loob ng darating na tatlong taon.
Iniharap din ni Li ang mga mungkahi para sa pagpapalalim ng komprehensibong kooperasyong Sino-ASEAN, at pagpapataas ng antas ng kanilang estratehikong partnership. Ang mga ito ay pagpapalakas ng pag-uugnayan ng mga estratehiyang pangkaunlaran ng iba't ibang panig, pagpapalalim ng kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan, paggagalugad ng mga bagong larangan ng inobasyon, pagpapatibay ng pundasyon ng pagpapalitan ng mga mamamayan, at pagpapalawak ng kooperasyong panseguridad.
Sumang-ayon naman ang mga lider ng mga bansang ASEAN, sa pagkakaroon ng mabungang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan, madalas na pagpapalagayan sa mataas na antas, malakas na pag-uugnayan sa kabuhayan, at mahigpit na pagpapalitan ng mga mamamayan. Binigyan din nila ng positibong pagtasa ang mga pagsisikap ng dalawang panig para sa talastasan sa Regional Comprehensive Economic Partnership, pagsasanggunian hinggil sa COC, pagdaraos ng kauna-unahang magkakasanib na pagsasanay sa karagatan, at iba pa. Nakahanda rin anila ang kani-kanilang bansa, na i-ugnay ang sariling estratehiyang pangkaunlaran at Belt and Road Initiative ng Tsina, at palakasin ang kooperasyon sa mga bagong aspekto, para pasulungin ang pagtatatag ng komunidad ng Silangang Asya, at rehiyonal na integrasyong pangkabuhayan.
Sa pulong, pinagtibay ang ASEAN-China Strategic Partnership Vision 2030, ipinalabas ang magkasanib na pahayag hinggil sa kooperasyon sa inobasyong pansiyensiya at panteknolohiya, at ipinatalastas din na ang taong 2019 ay taon ng media exchange ng Tsina at ASEAN.
Salin: Liu Kai