Dumalo kagabi, Nobyembre 13, 2108 si Premyer Li Keqiang sa bangketeng panalubong na magkasamang inisponsor ng Singapore Business Federation at Singapore Chinese Chamber of Commerce and Industry.
Sa kanyang talumpati sa pagtitipon, ipinahayag ni Premyer Li na nitong 40 taong nakalipas sapul nang isagawa ng Tsina ang reporma at pagbubukas sa labas, malaking tagumpay ang natamo ng Tsina sa kaunlarang pangkabuhayan at panlipunan. Aniya, sa prosesong ito, nakinabang ang Tsina mula sa karanasang pangkaunlaran ng Singapore, at ang pag-unlad ng Tsina ay nagdudulot naman ng pagkakataon sa Singapore. Aniya, bilang mapagkaibigang magkatuwang, nakahanda ang Tsina na magsikap, kasama ng Singapore para ibayong pasulungin ang pagtutulungan sa kabuhayan, kalakalan, at pinansya, at magkasamang pahigpitin pa ang rehiyonal na kooperasyon.
Ipinahayag niyang ipagpapatuloy ng Tsina ang mas mabisang hakbang para pabilisin ang reporma at pagbubukas sa labas, pataasin ang kalidad ng pag-unlad, at pangalagaan ang tuluy-tuloy at matatag na makro-patakaran. Aniya, mapapadali ng pamahalaang Tsino ang administratibong pagsusuri at pag-aaproba, pagbabawas ng taripa, at pagbaba ng gastos sa pagpapatakbo para bigyan ang mga bahay-kalakal na Tsino at dayuhan ng mainam na kapaligirang komersyal na may pantay na kompetisyon.