Ipinahayag ng Ministri ng Komersyo ng Tsina na sa kasalukuyan,maalwan ang komunikasyon at kooperasyon ng Tsina't Amerika hinggil sa mga isyung pangkalakalan.
Sa regular na preskon nitong Huwebes, Disyembre 6, sinabi ni Gao Feng, Tagapagsalita ng nasabing ministri ng Tsina na ang pinal na layon ng magkabilang bansa na sa loob ng darating na 90 araw kanselahin ang lahat ng mga karagdagang ipinataw na taripa sa isa't isa. Lipos aniya ang Tsina ng kompiyansa na maisakatuparan ang nasabing layunin.
Idinagdag pa ni Gao na ipapatupad ng magkabilang panig ang napagkasunduan nina Pangulong Xi Jinping at Pangulong Donald Trump sa kanilang pagtatagpo sa sidelines ng katatapos na G20 Summit sa Argentina, simula sa larangan ng produktong agrikultural, enerhiya, at sasakyang-de-motor.
Saad din ni Gao, sa susunod na 90 araw, ayon sa malinaw na timetable at roadmap, magtatalastasan ang magkabialng panig hinggil sa mga isyu na angkop sa komong interes at pangangailangan, na kinabibilangan ng pangangalaga sa karapatan ng pagmamay-ari ng likhang-isip, pagtutulungang panteknolohiya, market access, balanseng pangkalakalan at iba pa. Kailangang magpursige ang magkabilang panig para marating ang kasunduan, diin ni Gao.
Salin: Jade
Pulido: Mac