|
||||||||
|
||
Isang komentaryo ang inilabas ngayong araw, Disyembre 24, ang People's Daily, pahayagang may pinakamalaking sirkulasyon sa Tsina. Ito ay bilang paglagom sa mga tampok at mahalagang pananalita ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa kanyang talumpati sa pambansang komperesiya bilang pagdiriwang sa ika-40 anibersaryo ng reporma't pagbubukas sa labas ng bansa, na ginanap Disyembre 18.
Anang komentaryo, binigyang-diin ni Xi na ang karanasan hinggil sa 40 taong reporma't pagbubukas ay napakahalagang yaman ng mga mamamayang Tsino, bagay na may katuturang pumapatnubay sa pananangan at ibayo pang pagpapasulong ng sosyalismong may katangiang Tsino sa bagong panahon.
Bird's eye view ng Shenzhen Special Economic Zone (SEZ), kauna-unahan at isa sa mga pinakamatagumpay na SEZ ng Tsina [File Photo:VCG]
Saad ng komentaryo, nilagom ni Pangulong Xi ang karanasan ng reporma't pagbubukas sa labas sa siyam na aspekto. Una, dapat igiit at pabutihin ang pamumuno ng Partido Komunista ng Tsina (CPC); ikalawa, dapat laging ipauna ang mga mamamayang Tsino para maisakatuparan ang kanilang mga pangarap sa magandang pamumuhay; ikatlo, dapat manangan sa pumapatnubay na katayuan ng Marxism para mapasulong ang inobasyong panteorya, batay sa mga praktika; ikaapat, dapat patuloy na tumahak at pabutihin ang landas ng sosyalismong may katangiang Tsino; ikalima, dapat walang humpay na paunlarin ang sistemang sosyalistang may katangiang Tsino para mapatingkad ang bentaheng pansistema ng bansa; ikaanim, dapat gawing pinakamahalagang tungkulin ang pag-unlad para mapalakas ang pambansang puwersa; ikapito, dapat buong tatag na palalimin ang reporma't pagbubukas sa labas para maitatag ang komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan para sa sangkatauhan; ikawalo, dapat buong higpit na pangasiwaan ang CPC para mapalakas ang kakayahang inobatibo at kohesibong lakas nito; at ikasiyam, dapat patuloy na tumalima sa dialectical materialism at historical materialism para tumpak na hawakan ang relasyon sa pagitan ng reporma, pag-unlad at katatagan.
Anang komentaryo, ang nasabing siyam na punto hinggil sa karanasan sa reporma't pagbubukas ay nagsisilbing sistematikong methodological approach para ibayo pang mapasulong ang pambansang reporma't pagbubukas ng Tsina.
Bilang panapos, diin ng komentaryo, bunga ng 40 taong reporma't pagbubukas, nakalikha ang mga mamamayang Tsino ng mga himala na hindi lamang nagpabago ng Tsina, kundi nakaimpluwensya sa daigdig. Nananalig anito ang mga mamamayang Tsino na magpapatuloy ang paglikha ng mas malaking milagro.
Salin: Jade
Pulido: Rhio
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |