Matagumpay na idinaos kamakailan ang unang pulong ng Mataas na Mekanismo ng Pagpapalitang Pangkultura ng Tsina at India. Kaugnay nito, ipinahayag Martes, Disyembre 25, 2018, ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang pormal na pagsisimula ng nasabing mekanismo ay makakatulong sa pagpapatibay ng bilateral na relasyon, pagpapasulong ng malusog na pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa, pagpapasulong ng maharmoniyang pakikipamuhayan ng iba't-ibang sibilisasyon, at magkakasamang pangangalaga sa kapayapaan at katatagang pandaigdig.
Ani Hua, ang pagtatatag ng nasabing mekanismo ay mahalagang pagkakasundong narating nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Punong Ministro Narendra Modi ng India. Bilang dalawang malaking bansang may sinaunang sibilisasyon sa daigdig, ang pagpapalakas ng pagpapalitang pangkultura ng dalawang bansa ay tumutugma sa mithiin ng kanilang mga mamamayan, at umaangkop sa pangangailangan ng komprehensibong pag-unlad ng bilateral na relasyon ng dalawang bansa, dagdag niya.
Salin: Li Feng