Nag-usap nitong Biyernes, Enero 4, 2019, sa Addis Ababa, punong himpilan ng Unyong Aprikano (AU), sina Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, at Moussa Faki Mahamat, Pangulo ng AU Commission.
Ipinahayag ni Wang na sa kasalukuyan, nasa pinakamagandang panahon ang relasyon ng Tsina at AU. Aniya, dapat pabilisin ng dalawang panig ang pagsasakatuparan ng natamong bunga sa 2018 Beijing Summit ng Forum on China-Africa Cooperation (FOCAC).
Sinabi ni Wang na unang una, ang pag-unlad ng Tsina ay dapat pakinabangan ang mga umuunlad na bansa, partikular na ng mga bansang Aprikano. Aniya, ang kapayapaan at katatagan ay pinakamahalagang pangangailangan ng kontinenteng Aprikano, at kinakatigan ng panig Tsino ang pagpapatingkad ng AU ng koordinadong papel. Tutulungan ng panig Tsino hangga't makakaya ang Aprika para mapataas ang sariling kakayahang pamayapa nito. Nakahanda ang panig Tsino na palalimin ang pakikipagkoordinahan sa AU para mapangalagaan ang komong kapakanan ng Tsina, Aprika, at mga umuunlad na bansa, dagdag niya.
Ipinahayag naman ni Faki na ang pagbisita ng Chinese Foreign Minister sa AU headquarters sa pagdating ng bagong taon, ay lubos na nagpapakita ng mataas na lebel ng relasyon ng AU at Tsina. Pinasalamatan aniya ng AU ang ibinibigay na tulong at pagkatig ng Tsina sa Aprika sa konstruksyon ng imprastruktura, at pagpapataas ng sariling kakayahang pamayapa. Nakahanda ang AU na ibayo pang palakasin ang estratehikong pakikipagkoordinahan sa panig Tsino upang magkasamang mapangalagaan ang multilateralismo at pandaigdigang regulasyon, dagdag pa niya.
Salin: Li Feng