|
||||||||
|
||
Sa paanyaya ni Premyer Li Keqiang ng Tsina, opisyal na bumibisita sa Tsina mula nitong Linggo ang mataas na delegasyong pampamahalaan ng Kambodya na pinamumunuan ni Punong Ministro Hun Sen.
Sa Porum ng Pagpapasulong ng Kalakalan at Pamumuhunan ng Tsina at Kambodya na ginanap sa Beijing ngayong Martes, Enero 22, 2019, ipinahayag ng kinatawang Tsino na napakalaki ng potensyal ng pagluluwas ng Kambodya sa Tsina. Winiwelkam aniya ng Tsina ang pagpapalakas ng kooperasyon ng dalawang bansa at pagpapasulong ng bilateral na kabuhayan at kalakalan.
Nitong ilang taong nakalipas, mabilis na lumalaki ang bilateral na kalakalang Sino-Kambodyano. Ayon sa datos, sapul noong 2012, ang Tsina ay nananatiling pinakamalaking trade partner ng Kambodya. Noong isang taon, umabot sa 7.4 na bilyong dolyares ang kabuuang halaga ng bilateral na kalakalan ng dalawang bansa. Sa seremonya ng pagbubukas ng nasabing porum, ipinahayag ni Pangalawang Premyer Hu Chunhua ng Tsina na hinihikayat ng Tsina ang pamumuhunan at pagbubukas ng negosyo ng mga bahay-kalakal na Tsino sa Kambodya.
Nanawagan naman sa porum si Hun Sen sa mga mamumuhunang Tsino na isagawa ang negosyo sa Kambodya. Ipinahayag din niya na puspusang lilikha ang kanyang bansa ng mainam na kapaligirang pampamumuhunan para sa mga negosyanteng Tsino.
Salin: Li Feng
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |