Idinaos kahapon, Biyernes, ika-25 ng Enero 2019, sa Vientiane, Laos, ang seremonya ng pagbubukas para sa Taon ng Turismo ng Tsina at Laos. Magkahiwalay na nagpadala ng mensaheng pambati sa aktibidad sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Bounnhang Vorachith ng Laos.
Kapwa binigyan ng dalawang lider ng mataas na pagtasa ang komprehensibo, estratehiko, at kooperatibong partnership ng dalawang bansa. Umaasa silang, sa pamamagitan ng Taon ng Turismo, makakabisita sa kabilang bansa ang mga mamamayang Tsino at Lao. Ito anila ay para ibayo pang palakasin ang pagkakaibigan, at palalimin ang pagpapalitan at pag-uunawaan ng mga mamamayan.
Dumalo naman sa seremonya ng pagbubukas ang mga opisyal na Lao at Tsino, na gaya nina Sonexay Siphandone, Pangalawang Punong Ministro ng Laos; Bosengkham Vongdara, Ministro ng Impormasyon, Kultura, at Turismo ng Laos; Luo Shugang, Ministro ng Kultura at Turismo ng Tsina; at Jiang Zaidong, Embahador ng Tsina sa Laos.
Ayon sa Ministri ng Impormasyon, Kultura, at Turismo ng Laos, noong 2018, naglakbay sa bansang ito ang mahigit 800 libong turistang Tsino. Umaasa ang ministring ito, na sa 2019, makakaabot sa 1 milyon ang bilang na ito.
Salin: Liu Kai