Nag-usap kahapon, Linggo, ika-16 ng Disyembre 2018, sa Vientiane, Laos, sina Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, at Saleumxay Kommasith, Ministrong Panlabas ng Laos.
Sinabi ni Wang, na sa kasalukuyan, nasa pinakamagandang panahon ang relasyong Sino-Lao. Aniya, ang susunod na taon ay ika-10 anibersaryo ng pagkakatatag ng komprehensibo, estratehiko, at kooperatibong partnership ng dalawang bansa, at nakahanda ang Tsina, kasama ng Laos, na samantalahin ang okasyong ito, para walang humpay na pasulungin ang bilateral na relasyon.
Tinukoy din ni Wang, na ang pagtatatag ng economic corridor ng Tsina at Laos ay pangunahing bunga ng pag-uugnayan ng Belt and Road Initiative ng Tsina at estratehiya ng Laos hinggil sa pagiging "land-linked" country mula sa "land-locked" country. Dapat aniyang pabilisin ang pagtatakda ng detalyadong planong pangkooperasyon hinggil dito, at pasulungin ang pangunahing proyekto ng pagtatayo ng China-Laos Railway.
Sinabi naman ni Saleumxay, na ginawa ng mga lider ng Laos at Tsina ang desisyon sa pagtatatag ng komunidad ng pinagbabahaginang kinabukasan ng dalawang bansa, at nagturo ito ng direksyon ng pag-unlad ng relasyong Lao-Sino sa bagong panahon. Ipinahayag din niya ang kahandaan ng Laos, kasama ng Tsina, na buong husay na ipatupad ang pagtatatag ng economic corridor ng dalawang bansa, lalung-lalo na ang proyekto ng China-Laos Railway.
Salin: Liu Kai