|
||||||||
|
||
Si Huang Xilian, Embahador ng Tsina sa ASEAN
Sa isang panayam kamakailan, sinabi ni Huang Xilian, Embahador ng Tsina sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), na ayon sa pinakahuling trade data na inilabas ng Pangkalahatang Administrasyon ng Adwana ng Tsina, noong isang taon, umabot sa halos 587.9 na bilyong dolyares ang halaga ng kalakalang Sino-ASEAN. Ito ay mas malaki ng 14.1% kumpara sa taong 2017 na naging bagong rekord sa kasaysayan. Aniya, nitong nagdaang sampung (10) taong singkad, ang Tsina ay nagsisilbing pinakamalaking trade partner ng ASEAN. Ang ASEAN naman ay nagsisilbing ikatlong pinakamalaking trade partner ng Tsina nitong nagdaang walong (8) taong singkad na sumusunod lamang sa Unyong Europeo (EU) at Amerika.
Ipinagdiinan ni Huang na sa pitong pinakamalaking trade partner ng Tsina, nagiging pinakamabilis ang paglaki ng kalakalang ASEAN-Sino. Sa harap ng pagbagal ng paglaki ng kabuhayang pandaigdig at pag-usbong ng proteksyonismong pangkalakalan, nananatili pa ring malakas ang tunguhin ng paglaki ng bilateral na kalakalan ng Tsina at ASEAN, aniya pa.
Samantala, bilang pinakamalaking bansa sa ASEAN, lumalalim nang lumalalim ang relasyong pangkalakalan ng Indonesia at Tsina. Noong isang taon, umabot sa 77.4 na bilyong dolyares ang kabuuang halaga ng kalakalang Indones-Sino na mas malaki ng 22.2% kumpara sa taong 2017. Samantala, mabilis ding lumaki ang pag-aangkat ng Tsina mula sa Indonesia.
Ayon naman sa datos ng pamumuhunan na inilabas ng Ministri ng Komersyo ng Tsina, hanggang noong katapusan ng nagdaang taon, umabot sa mahigit 89 na bilyong dolyares ang pamumuhunan ng Tsina sa ASEAN, at 116.7 bilyong dolyares naman ang pamumuhunan ng ASEAN sa Tsina.
Salin: Li Feng
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |