Kinatagpo kahapon, Biyernes, ika-22 ng Pebrero 2019, sa White House, ni Pangulong Donald Trump ng Amerika, si Liu He, Espesyal na Sugo ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, Kagawad ng Pulitburo ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina, Pangalawang Premyer ng bansa, at Puno ng panig Tsino sa komprehensibong diyalogong pangkabuhayan sa Amerika.
Iniabot ni Liu ang mensahe ni Xi kay Trump. Sa mensahe, binigyan ni Xi ng positibong pagtasa ang pagsasanggunian sa isyung pangkabuhayan at pangkalakalan ng Tsina at Amerika, para ipatupad ang narating na komong palagay nila ni Trump. Umaasa aniya siyang mararating ang kasunduang may mutuwal na kapakinabangan at win-win result.
Ipinahayag din ni Liu, na sa panahong ito, bilang espesyal na sugo ni Pangulong Xi, nagsasagawa siya ng pakikipagsanggunian sa panig Amerikano. Aniya, nitong dalawang araw na nakalipas, natamo ng dalawang panig ang positibong progreso sa mga aspektong gaya ng pagkabalanse sa kalakalan, agrikultura, paglilipat ng teknolohiya, pangangalaga sa Intellectual Property Rights, serbisyong pinansyal, at iba pa. Sa susunod, pag-iibayuhin ng dalawang panig ang pagsisikap, para pasulungin ang pagsasanggunian, dagdag ni Liu.
Ipinahayag naman ni Trump, na matalik at malakas ang kanyang relasyon kay Xi, at sa kasalukuyan, mainam ang relasyong Amerikano-Sino. Natamo aniya ng kasalukuyang round ng pagsasanggunian ang malaking progreso, samantala marami pang gawain ang kailangang tupdin, kaya ipinasiya ng kapwa panig na palawigin nang dalawang araw ang pagsasanggunian. Ipinahayag ni Trump ang pananalig, na sa bandang huli, mararating ng dalawang panig ang isang mahalagang kasunduang makakabuti sa kapwa bansa. Ipinahayag din niya ang pananabik sa pakikipagtagpo kay Xi sa malapit na hinaharap, para saksihan ang makasaysayang sandali ng relasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng Amerika at Tsina.
Salin: Liu Kai