Natapos Pebrero 15, 2019, sa Beijing ang ika-6 na round ng pagsasanggunian ng Tsina't Amerika hinggil sa kabuhayan at kalakalan. Narating ng dalawang panig ang kabuuang komong palagay hinggil sa mga pangunahing isyu, at tinalakay ang mga detalye hinggil sa memorandum of understanding (MOU) sa isyung pangkabuhayan at pangkalakalan. Tungkol dito, ipinahayag ng mga dalubhasa na kung mararating ng Tsina at Amerika ang kasunduan, makikinabang ang kabuhayan ng buong daigdig.
Tinukoy ni Zhu Min, dating Deputy Managing Director ng International Monetary Fund (IMF) at Puno ng Institusyon ng Pananaliksik ng Pananalapi ng Tsinghua University, na ang talastasan ay magandang simula.
Sinabi naman ni Tim Stratford, Tagapangulo ng American Chamber of Commerce sa Tsina na magkakaiba ang pagkaunawa ng Tsina at Amerika, at ito ay nagdulot ng maraming problema. Dapat aniyang ipaliwanag ang mga tuntunin at isaayos ang iba pang elemento. Kung malulutas ng dalawang panig ang hidwaan, at maalis ang mga elementong nakakaaepekto sa relasyong pangkabuhayan at pangkalakalan, mabibiyayaan ang buong daigdig, dagdag pa niya.
Ipagpapatuloy ang pagsasanggunian ng Tsina at Amerika sa susunod na linggo sa Washington D.C., Amerika.
Salin:Lele