Ipininid nitong Linggo, Pebrero 24, 2019, local time, sa Washingtong D.C. ang ika-7 round ng talastasang pangkalakalan sa pagitan ng Tsina't Estados Unidos. Sa apat na araw na pagsasanggunian, nagkaroon ng substansyal na progreso ang dalawang panig sa teksto ng mararating na kasunduan, paglilipat ng hay-tek, pangangalaga sa karapatan sa pagmamay-ari ng likhang-isip (IPR), non-tariff barriers, sektor ng serbisyo, agrikultura, at exchange rates.
Walang dudang, sa pamamagitan ng pinakahuling talastasan, gumawa ang Tsina't Amerika ng mahalagang hakbang sa paglutas sa alitang pangkalakalan ng dalawang bansa. Nauna rito, narating ng magkabilang panig ang may prinsipyong komong palagay hinggil sa mga pangunahing isyu, at sa katatapos na negosasyon naman, natamo ang substansyal na bunga sa naturang mga larangan.
Masasabing ang mga natamong progreso ay bunga ng magkasamang pagsisikap para mapalawak ang interes ng magkabilang panig. Halimbawa, nakahanda ang Tsina na palawakin ang pag-aangkat ng mga produktong agrikultural, produkto ng enerhiya at serbisyo mula sa Amerika. Makakatulong ito sa paglutas sa pagkabahala ng Amerika sa di-balanseng kalakalan dalawang bansa, at makakatulong din ito sa pagtugon sa pangangailangan ng mga mamamayang Tsino.
Sa totoo lang, ang pagsasanggunian hinggil sa teksto ng kasunduan na mararating ng dalawang panig ang pinakamasusi at pinakamahirap na yugto ng talastasan. Ang pagdating ng teksto na mangangalaga sa pambansang interes ng dalawang bansa at may win-win result ay pagsubok sa talino ng Tsina't Amerika.
Salin: Jade
Pulido: Rhio