Kaugnay ng government work report ng Tsina sa taunang sesyong lehislatibo, sinabi ni Mohsen Shariatinia, dalubhasa sa mga isyu ng Tsina mula Shahid Beheshti University, na ang lakas-loob ng pamahalaang Tsino sa pagharap sa mga isyung gaya ng pagpapahupa ng karalitaan at pagpigil sa polusyon at pangako nitong lutasin ang mga ito, sa pamamagitan ng pag-unlad ng pambansang kabuhayan, ay nag-iwan ng malalim na impresyon sa kanya.
Si Mohsen Shariatinia
Binasa nitong Martes, Marso 5 ni Premyer Li Keqiang ng Tsina ang government work report hinggil sa mga ginawa noong 2018 at plano para sa 2019, sa harap ng mga mambabatas na Tsino.
Saad ni Shariatinia, makatwiran din ang tayang aabot sa 6.0% hanggang 6.5% ang paglaki ng kabuhayan ng Tsina para sa 2019. Ito ay mas mababa kumpara sa 6.6% paglaki noong 2018. Anang dalubhasang Iranyo, pagkaraan ng napakabilis na pag-unlad nitong ilang taong nakalipas, ang bumabagal na paglaki ng kabuhayan ng Tsina ay bunga ng pagpasok ng bansa sa bagong yugto ng pag-unlad. Sa unang yugto, tampok ng pag-unlad ng Tsina ang mataas na konsumo sa enerhiya, malakas na polusyon at pag-asa sa pagluluwas, at sa kasalukuyang yugto naman, katangian nito ang mataas na added value, at pananaliksik at inobasyong pansiyensiya't panteknolohiya, dagdag pa ni Shariatinia.
Salin: Jade
Pulido: Rhio