Nakipagtagpo kahapon, Lunes, Abril 1, 2019, sa Beijing, si Pangulong Xi Jinping ng Tsina, kay Punong Ministro Jacinda Ardern ng New Zealand. Sinang-ayunan ng dalawang lider, na payamanin ang komprehensibo at estratehikong partnership ng Tsina at New Zealand, at idulot ang mas maraming benepisyo sa kani-kanilang mga mamamayan.
Sa pagtatagpo, binigyang-diin ni Xi, na dapat palalimin ng Tsina at New Zealand ang pag-uunawaan at pagtitiwalaan, at pabilisin ang talastasan hinggil sa pag-a-upgrade ng bilateral na kasunduan sa malayang kalakalan. Sinabi niyang, mainit na tinatanggap ng panig Tsino ang paglahok ng New Zealand sa mga kooperasyon ng Belt and Road Initiative (BRI). Ipinahayag din ni Xi ang pakikiramay sa New Zealand kaugnay ng grabeng insidente ng pamamaril na naganap kamakailan sa Christchurch.
Ipinahayag naman ni Ardern ang pagpapahalaga ng New Zealand sa pagpapaunlad ng relasyon sa Tsina. Sinabi niyang, sa mula't mula pa'y kinakatigan ng kanyang bansa ang BRI, at nakahanda itong palalimin ang pakikipagtulungan sa panig Tsino sa ilalim ng inisyatibang ito.
Salin: Liu Kai