Ipinahayag kamakailan ng State Secretariat of Civil Aviation ng Kambodya, na sa loob ng darating na limang taon, ilalaan ng pamahalaan ng bansang ito ang mahigit 3.7 bilyong Dolyares, para sa mga proyekto ng pagtatayo ng bagong paliparan at pagsasagawa ng renobasyon sa mga umiiral na paliparan.
Ito ay para isakatuparan ang target na magkaroon ng kakayahang tumanggap ng 30 milyong person-time na pasahero bawat taon ang lahat ng mga paliparan ng Kambodya sa taong 2030.
Ayon naman sa estadistika, noong 2018, umabot sa 10.5 milyon ang kabuuang bilang ng mga pasaherong tinanggap ng tatlong malalaking pandaigdig na paliparan ng Kambodya sa Phnom Penh, Siem Reap, at Sihanoukville. Pero, sa kasalukuyan, ang takbo ng mga paliparang ito ay halos lampas na sa kanilang kakayahan.
Salin: Liu Kai