Idinaos kahapon, Biyernes, ika-22 ng Marso 2019, sa lalawigang Kampong Speu, Kambodya, ang seremonya ng pagsisimula ng konstruksyon ng Phnom Penh-Sihanoukville Highway, kauna-unahang haywey sa bansang ito. Ang proyekto ay may puhunan at paglahok ng kompanyang Tsino sa konstruksyon.
Sa seremonya, sinabi ni Punong Ministro Hun Sen ng Kambodya, na ang haywey na ito ay bunga ng pag-uugnayan ng Belt and Road Initiative ng Tsina at "Rectangular Strategy" ng Kambodya na nakatuon sa kaunlaran, paghahanapbuhay, pagkakapantay-pantay, at episiyensiya. Ito rin aniya ay simbolo ng matalik at mahigpit na pagpapalagayan at pagtutulungan ng dalawang bansa.
Ipinahayag naman ni Pangalawang Ministrong Panlabas Kong Xuanyou ng Tsina, na ang konstruksyon ng naturang haywey ay mahalagang proyektong may de-kalidad na kooperasyon sa ilalim ng Belt and Road Initiative. Ang haywey aniya ay makakatulong hindi lamang sa pangarap na kaunlaran ng mga mamamayang Kambodyano, kundi maging sa pagkakaibigan at pagtutulungan ng Tsina at Kambodya.
Mahigit 190 kilometro ang kabuuang haba ng Phnom Penh-Sihanoukville Highway. Nakatakdang tumagal ng 4 na taon ang konstruksyon. Pagkaraang isaoperasyon ang haywey, wala pang 2 oras ang pagmamaneho sa pagitan ng Phnom Penh at Sihanoukville, mula 5 oras sa kasalukuyan.
Salin: Liu Kai