Ipinatalastas ngayong araw, Biyernes, ika-19 ng Abril 2019, ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, na mula ika-25 hanggang ika-27 ng buwang ito, idaraos sa Beijing ang Ika-2 Belt and Road Forum for International Cooperation.
Ayon kay Wang, dadalo at magtatalumpati si Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa seremonya ng pagbubukas ng porum, at mangungulo sa roundtable summit. Pagkaraan ng porum, haharap din si Xi sa mga mamamahayag na Tsino at dayuhan, para isalaysay ang mga bunga ng porum, dagdag ni Wang.
Ayon pa rin kay Wang, hanggang sa kasalukuyan, kumpirmadong dadalo sa nabanggit na roundtable summit ang mga lider ng 37 bansang dayuhan, na kinabibilangan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng Pilipinas. Nakatakdang dumalo rin sa summit ang Pangkalahatang Kalihim ng United Nations, Managing Director ng International Monetary Fund, at mga mataas na kinatawan ng Pransya, Alemanya, Britanya, Espanya, Hapon, Timog Korea, at Unyong Europeo.
Salin: Liu Kai