Kinatagpo nitong Miyerkules, Abril 24, sa Beijing ni Premyer Li Keqiang ng Tsina si Christine Lagarde, Managing Director ng International Monetary Fund (IMF). Pinag-usapan nila ang hinggil sa kabuhayan ng Tsina at daigdig.
Isinalaysay ni Li ang hinggil sa pag-unlad ng kabuhayan ng Tsina. Ani Li, nitong unang kuwarter ng taong ito, nanatiling matatag ang takbo ng kabuhayan ng bansa. Pero, sa ilalim ng masalimuot na kalagayan ng kabuhayang pandaigdig, kinakaharap pa rin ng ekonomiya ng Tsina ang presyur ng pagbaba. Bilang tugon, palalalimin pa ng Tsina ang reporma at pagbubukas sa labas at pahihigpitin ang pakikipagtulungan sa IMF, dagdag pa ni Li.
Sinabi naman ni Lagarde na dahil sa mainam na takbo ng kabuhayan ng Tsina nitong unang tatlong buwan ng taong ito, itinaas ng IMF ang pagtaya ng paglaki ng kabuhayan ng bansa para sa 2019. Nananalig aniya ang IMF na bunga ng isinasagawang mga patakaran at hakbang sa reporma't pagbubukas, na gaya ng pagbabawas ng buwis at bayarin ng mga bahay-kalakal na Tsino at dayuhan, bubuti pa ang kabuhayan ng Tsina at patuloy nitong mapapasulong ang pag-unlad ng kabuhayang pandaigdig.
Si Lagarde ay dumadalaw sa Tsina para lumahok sa Ika-2 Belt and Road Forum for International Cooperation (BRF) na gaganapin mula Abril 25 hanggang Abril 27.
Salin: Jade
Pulido: Rhio