|
||||||||
|
||
Si Ambassador Jose Santiago Sta. Romana
Sa kanyang pambungad na mensahe, ibinahagi ni Ambassador Jose Santiago Sta. Romana ang tema ng pagdiriwang na "Mga Pinuno para sa Pamana." Aniya, hinihimok nito ang bawa't isa na maging tagapagdala ng banners o watawat ng makulay at makabuluhang identidad ng Pilipino, at maging sugo ng kalinangan sa mga kaibigang Tsino at sa buong mundo. Dagdag pa niya, sa pamamagitan ng pagbubukas ng puso at isipan sa ibang kalinangan o kultura, maaaring maisulong ang mas malalim na pag-uunawaan at mas matatag na pagkakaibigan sa pagitan ng mga mamamayan. Umaasa aniya siyang sa tulong ng workshop ay lubos na matututo, masisiyahan, magbabahagi at palalaganapin ng mga dumalo ang mga ibinahagi ng Katutubo Exchange hinggil sa Pilipinas at ang mayamang kalinangan nito.
Si Dr. Edwin Antonio habang ipinapakilala ang mga katutubong kasuotang Pinoy
Isang araw lang mamamalagi sa Beijing ang grupong binubuo ng mga Ibaloi ng Cordillera at Maguindanaoan sa Cotabato. Bagamat hapit sa oras, ipinahayag ni Dr. Edwin Antonio, Pangulo ng Katutubo Exchange Philippines ang lubos na kasiyahan sa mainit na pagtanggap ng mga taga-Beijing sa mga kasamang cultural workers. Itinatag ang grupo noong 2013 at naghahangad itong maipalaganap ang katutubong kultura at tradisyonal na sining.
Natunghayan sa workshop ang Kulintang performance, sayaw Ibaloi na Sarong, Tayaw at Binokawan, katutubong laro at mga tradisyonal na kasuotan ng iba't ibang indigenous groups sa Pilipinas.
Kuwento ni Dr. Antonio, ayon sa United Nations ang 2019 ay International Year of the Indigenous Languages, kaya mahalagang bahagi ng seminar ang pagtuturo kung paano sasabihin ang Mahal Kita sa iba't ibang wika ng mga katutubo. Kinagiliwan din ng marami ang pag-aaral ng Baybayin, na tinukoy ni Dr. Antonio bilang sariling yaman ng mga Pilipino.
Panawagan niya sa mga kababayang nasa Tsina, "Sa lahat ng pagkakataon dapat itayo natin ang ating bandera bilang mga Pilipino. Kahit saang lupalop tayo mapadpad dapat dala natin ang pusong Pinoy, marunong magpalaganap ng ating kultura. Ito'y dapat i-share natin sa ibang nationalities kasi ang yaman-yaman po natin. Sana ay magkaisa tayo na ipalaganap ang ating kultura, huwag ikahiya, gamitin palagi ang ating lengguwahe kahit nandito po tayo sa China."
Masaya si Linda Yan, Philippine Studies major sa Beijing Foreign Studies University na makasama sa workshop na nagbigay sa kanya ng kaalaman hinggil sa kamalayan at kaugalian ng mga Pilipino. Gusto pa niyang mag-aral ng iba't ibang wika ng mga Pilipino.
Si Linda Yan (kaliwa) at si Tina Xu (gitna)
Samantala, ang kaklase na si Tina Xu ay nagsabi namang mahalaga at marangal ang trabaho ng Katutubo Exchange Philippines. Nais niyang pasalamatan ng mga artista o cultural workers dahil mahusay sila. Kahit hindi pa nararating ang bayan nila, kinagiliwan niya ang kanilang kultura. Pakiwari ni Tina, maganda ang hitsura ng baybayin kaya nais pa niyang mas malalim na pag-aralan ito lalo't nanghihinayang siyang hindi na ito ginagamit ngayon.
Ulat : Mac Ramos
Larawan : Vera
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |