|
||||||||
|
||
Nagtagpo kahapon, Huwebes, ika-25 ng Abril 2019, sa Beijing, sina Premyer Li Keqiang ng Tsina at Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng Pilipinas.
Sinabi ni Li, na ang Tsina at Pilipinas ay malapit na magkapitbansang nasa magkabilang ibayo ng dagat, at may mahigpit na ugnayan ang kaunlaran at katatagan ng dalawang bansa. Ani Li, nitong tatlong taong nakalipas sapul nang manungkulan si Duterte bilang pangulo, sa pamamagitan ng magkasamang pagsisikap ng dalawang panig, naisakatuparan ang positibong pagbabago at pagtatatag ng relasyong Sino-Pilipino. Sumusulong ngayon aniya ang relasyong ito sa tumpak na landas. Dagdag ni Li, ikinalulugod ng Tsina ang mga bagong tagumpay sa pag-unlad ng kabuhayan at lipunan ng Pilipinas. Ipinahayag niya ang kahandaang palakasin ang pag-uugnayan ng Belt and Road Initiative (BRI) ng Tsina at Build Build Build ng Pilipinas, para palalimin ang pagpapalagayan sa kabuhayan, kalakalan, at pamumuhunan; at pasulungin ang kooperasyon sa iba't ibang proyektong gaya ng konstruksyon ng imprastruktura.
Sinabi rin ni Li, na ang kapayapaan at katatagan sa South China Sea ay angkop sa komong interes ng Tsina, Pilipinas, at iba pang bansa sa rehiyong ito. Kinakatigan aniya ng Tsina ang pagpapatupad ng Pilipinas ng mga tungkulin bilang bansang tagapagkoordina sa relasyon ng Association of Southeast Asian Nations at Tsina. Ipinahayag din niya ang pag-asang matatapos sa lalong madaling panahon ang talastasan hinggil sa Code of Conduct sa South China Sea (COC).
Sinabi naman ni Duterte, na lubos na pinahahalagahan ng Pilipinas ang pagkakaibigan sa Tsina, at nitong ilang taong nakalipas, lubos na lumalakas ang relasyon at kooperasyon ng dalawang bansa batay sa pagtitiwalaan at paggagalangan.
Dagdag ni Duterte, nagbibigay ng ambag ang BRI sa kasaganaan at konektibidad ng buong mundo. Nakahanda aniya ang Pilipinas na palalimin ang pakikipagtulungan sa Tsina sa ilalim ng inisyatibang ito. Sinabi rin niyang sa pamamagitan ng "Build Build Build," lumilikha ang Pilipinas ng mainam na kapaligirang pang-negosyo, at mainit na tinatanggap ang pagpasok ng mga bahay-kalakal na Tsino sa Pilipinas.
Ipinahayag din ni Duterte ang buong tatag na paggigiit ng Pilipinas sa target na pagpapasulong sa South China Sea bilang karagatan ng kapayapaan, pagkakaibigan, at pagtutulungan. Umaasa aniya ang Pilipinas, kasama ng iba't ibang panig, na magsisikap para tapusin sa lalong madaling panahon ang talastasan hinggil sa COC.
Salin: Liu Kai
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |