Miyerkules, Mayo 8, 2019, inilabas ni Pangulong Donald Trump ng Amerika ang pahayag kung saan ipinatalastas niya ang pagpapataw ng sangsyon sa mga industriyang gaya ng asero, bakal, aluminum, tanso at iba pa ng Iran.
Anang pahayag, ang nabanggit na mga industriya ay pangunahing pinanggagalingan ng kita ng pagluluwas ng pamahalaang Iranyo, liban sa langis. Ang aksyong ito ay ibayo pang magpapalakas ng "maximum pressure" ng Amerika sa Iran, ayon pa sa pahayag. Inaasahan naman ni Trump na makakatagpo ang lider ng Iran para talakayin ang hinggil sa pagtatakda ng bagong kasunduan.
Noong Mayo ng nagdaang taon, tumalikod ang Amerika sa Joint Comprehensive Plan of Action (JCPOA). Pagkatapos nito, unti-unting sinimulan muli ang sangsyon sa Iran na itinigil dahil sa JCPOA. Ang sangsyon ay may kinalaman sa mga masusing larangan ng Iran na gaya ng pagluluwas ng langis, pinansya, abiyasyon at iba pa.
Ang unilateral na sangsyon ng Amerika ay humantong sa ganting-hakbangin ng Iran. Ipinatalastas nang araw ring iyon ni Pangulong Hassan Rouhani ng Iran ang pagtigil ng kanyang bansa sa pagpapatupad ng ilang alituntunin ng JCPOA.
Salin: Vera