Biyernes, Mayo 10, 2019, binuksan sa Beijing ang Interantional Forum for Trilateral Cooperation 2019 ng Tsina, Hapon at Timog Korea. Dumalo at nagtalumpati sa seremonya ng pagbubukas si Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina.
Tinukoy ni Wang na sa kasalukuyan, nahaharap sa bagong pagkakataon ang kooperasyon ng tatlong bansa. Bilang tagapangulong bansa ng trilateral na kooperasyon, nakahanda ang panig Tsino, kasama ng Hapon at Timog Korea, na pasulungin ang kanilang kooperasyon sa mas mataas na antas, para magsilbi itong positibong elemento ng pangangalaga sa kapayapaan ng rehiyon, at malaking lakas-panulak ng paglago ng Asya.
Diin ni Wang, matagumpay na itinaguyod kamakailan ng Tsina ang Ika-2 Belt and Road Forum for International Cooperation (BRF). Batay sa simulain ng magkakasamang pagtalakay, pagtatatag at pagbabahagi, nakahanda aniya ang Tsina na pakinggan ang magkatwirang mungkahi ng ibang dalawang bansa, upang ipagkaloob ng Belt and Road ang mas malawak na espasyo para sa kanilang trilateral na kooperasyon.
Salin: Vera