Sa regular na preskon Lunes, ika-22 ng Agosto, 2016, isiniwalat ni Lu Kang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na pagkatapos ng pagtalakay ng tatlong panig, nakatakdang idaos sa Tokyo, Hapon, ang ika-8 pulong ng mga ministrong panlabas ng Tsina, Hapon at Timog Korea, sa ika-24 ng kasalukuyang buwan. Dadalo sa nasabing pulong si Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina.
Isinalaysay ni Lu na sasariwain ng mga ministro ang progreso ng kooperasyon ng tatlong panig, at malalimang magpapalitan ng kuru-kuro hinggil sa direksyon ng pag-unlad ng kooperasyon ng tatlong bansa sa hinaharap, at mga isyung panrehiyon at pandaigdig na pinahahalagahan nila. Inaasahan aniya ng panig Tsino na sa pamamagitan ng nasabing taunang multilateral na pulong, mapapanatili ang tunguhin ng kooperasyon ng Tsina, Hapon at Timog Korea, mapapasulong ang proseso ng integrasyon ng rehiyon ng Silangang Asya, maisasakatuparan ang target ng pagtatatag ng East Asia Economic Community sa taong 2020, at gagawa ng mas malaking ambag para sa kapayapaan, kaunlaran at kasaganaan ng rehiyong ito.
Salin: Vera