Bubuksan sa ika-15 ng Mayo sa Beijing ang Conference on Dialogue of Asian Civilizations(CDAC). Ipapadala ng Ministri ng Pambansang Kasaysayan at Pamanang Kultural ng Pakistan ang tatlong eksperto at labinsiyam na mahalagang koleksyon ng Museo ng Islamabad na itatanghal sa pulong. Bago pumunta sa Beijing, kinapanayam ng mamamahayag ng CRI si Dr. Tahir Said, Tagapangasiwa ng Sentro ng Museologist ng nasabing Ministring Pakistan.
Sinabi ni Dr. Tahir Said, na pumili ang Pakistan sa Museo ng Islamabad ng labinsiyam na iba't ibang uri ng palayok, rebulto at iskultura mula sa iba't ibang panahon upang maging bahagi ng CDAC. Itatanghal ang mga ito sa Pambansang Museo ng Tsina sa loob ng tatlong buwan.
Sinabi ni Said, na matagal na ang pagpapalitang pangkultura ng Pakistan at Tsina sa kasaysayan. Patuloy na papalalimin aniya ng dalawang bansa ang pagtutulungan sa larangan ng arkeolohiya at pagpapanatili ng sinaunang aklat. Sa gaganaping CDAC, maghahatid aniya ang mga bansang Asyano ng kaalaman sa isa't isa at makikibahagi ng karanasan sa larangan ng kasaysayan, sining, arkeolohiya at iba pa. Isusulong din aniya ng pulong na ito ang pagkakabuklud-buklod at pagtutulungan ng mga bansang Asyano.
Salin: Sylvia