Natapos kahapon, Biyernes, ika-10 ng Mayo 2019, local time, sa Washington D.C., ang ika-11 round ng pagsasanggunian ng Tsina at Amerika sa mataas na antas hinggil sa mga isyung pangkabuhaya't pangkalakalan.
Pagkaraan nito, humarap sa mga mediang Tsino si Liu He, Kagawad ng Pulitburo ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina, Pangalawang Premyer ng bansa, at Puno ng panig Tsino sa komprehensibong diyalogong pangkabuhayan sa Amerika.
Sinabi ni Liu, na sa kasalukuyang pagsasanggunian, isinagawa ng dalawang panig ang matapat at konstruktibong pagpapalitan, pinaliwanag ang paninindigan sa mga isyu, at tinalakay ang mga nilalaman ng pagsasanggunian sa susunod na yugto. Aniya pa, sinang-ayunan ng dalawang panig na patuloy na idaraos ang pagsasanggunian sa Beijing.
Sinabi rin ni Liu, na dapat gumawa ang Tsina ng katugong hakbang bilang reaksyon sa pagtataas ng Amerika ng taripa sa mga panindang Tsino. Makatwiran aniya ang pakikitungo ng Tsina sa alitang pangkalakalan sa Amerika, samantala hindi inaasahan ng Tsina ang patuloy na paglala ng alitang ito.
Dagdag pa ni Liu, sa kasalukuyan, pumasok ang dalawang panig sa yugto ng pagtalastasan hinggil sa mga konkretong teksto ng kasunduan. Umaasa aniya ang panig Tsino, na mararating ang kasunduan batay sa paunang kondisyon ng pagkakapantay-pantay.
Salin: Liu Kai