Ipinahayag nitong Lunes, Mayo 13, local time, sa Sochi, Rusya, ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina na bilang pirmihang miyembro ng United Nations Security Council (UNSC), ang Tsina, Amerika at Rusya lahat ay bansang impluwensyal. Bilang tugon sa mga pandaigdig na hamon, kailangang magkaroon ang tatlong bansa ng inklusibong pakikitungo at magsagawa ng mainam na interaksyon, para mabawasan ang pagdududa at di-pagkaunawa, mapalawak ang pagtutulungan, at magkakasamang isabalikat ang pandaigdig na misyon ng pangangalaga sa kapayapaan at katatagan ng mundo. Dagdag pa ni Wang, kaugnay nito, masasabing huwaran para sa komunidad ng daigdig ang relasyong Sino-Ruso. Ipinahayag din ni Wang ang kahandaan ng panig Tsino na maayos na hawakan ang pagkakaiba sa Amerika at iba pang mga bansa, at palakasin ang pagtutulungan para makalikha ng kapayapaan at katatagan ng mundo.
Winika ito ni Wang nang humarap siya, kasama ni Ministrong Panlabas Sergey Lavrov ng Rusya sa mga mamamahayag makaraan ang kanilang pag-uusap.
Salin: Jade
Pulido: Mac