|
||||||||
|
||
Binuksan ngayong umaga, Mayo 15, sa Beijing ang Conference on Dialogue of Asian Civilizations (CDAC) na may temang "Exchanges and Mutual Learning among Asian Civilizations and a Community With a Shared Future."
Lumahok sa seremonya ng pagbubukas at bumigkas ng keynote speech si Pangulong Xi Jinping ng Tsina, kasama ng mga puno ng estado, puno ng pamahalaan, kinatawan, iskolar, kabataan, at panauhin mula sa 47 bansang Asyano na kinabibilangan ng Pilipinas, mga bansa sa labas ng Asya, at mga organisasyong pandaigdig.
Sa kanyang talumpating pinamagatang "Palalimin ang Pagpapalitan at Pagtututo sa Isa't-isa, at Magkakasamang Itatag ang Komunidad na May Pinagbabahaginang Kinabukasan ng Asya," ibinahagi ni Xi ang pananaw ng Tsina hinggil sa pagpapalitan at pagtututo sa isa't isa ng samu't saring kalinangan. Diin ni Xi, walang sibilisasyon ang mas magaling sa iba at pantay-pantay ang lahat ng mga kalinangan. "Makakapinsala ang pagmamaliit, sapilitang pagbabago o pagpapalit sa ibang sibilisasyon," saad ni Xi.
Taliwas ito sa pananalita ng ilang opisyal Kanluranin na nagsasabing "ang nagkakaibang kalinangan ay tiyak na mauuwi sa alitan."
Ipinahayag ni Xi bilang tugon sa mga hamon ng sangkatauhan, kinakailangan hindi lamang ang lakas na dulot ng kabuhayan't teknolohiya, kundi ang lakas galing sa iba't ibang sibilisasyon. Gawing halimbawa ang Asya. Ang saklaw ng Asya ay katumbas ng 1/3 ng lupa ng daigdig kung saan nakatira ang 3/2 ng populasyon ng daigdig. Binubuo ang Asya ng 47 bansa na may mahigit 1,000 lahi. Ang mga kabuhayan ng Asya ay nag-aambag ng 1/3 ng GDP ng buong daigdig. Gayunpaman, mayroon ding mga mamamayang Asyano na malayo pa sa pagsasakatuparan ng tatlong hangarin ng pagkawala ng takot, mabuting pamumuhay at saligang kaligtasan. .
Ipinagdiinan din ni Xi ang kahalagahan ng paggalang sa pagkakaiba at pagtututo sa isa't isa ng mga sibilisasyon. Ang CDAC ay nagsisilbing bagong plataporma ng pagpapalitan at pagtutulungan hinggil dito, dagdag pa ni Xi.
Kaugnay ng kalinangan ng Tsina, sinabi ni Xi na ang Tsina ay hindi lamang tanging Tsina, miyembro rin ito ng Asya, at ng daigdig.
Diin ni Xi, ang sibilisasyong Tsino ay mahalagang bahagi ng kalinangang Asyano, at sa mula pa, walang humpay itong yumayabong sa pamamagitan ng pagpulot ng bungang pangkultura ng ibang bansa. Dagdag pa ni Xi, ang pakikipagkaibigan sa mga kapitbansa at mainam na pakikipamuhayan sa iba ay ang esensya ng pakikikipagpalitan ng sibilisasyong Tsino. Aniya, ang pagdudulot ng kapakinabangan at pagpapayaman ng mga mamamayan ay gabay at pundasyon ng sibilisasyong Tsino. Samantala, ang pagbabago aniya kasabay ng agos ng panahon at kaakibat ng pagkaugat sa esensya ng tradisyon ay diwa ng sibilisasyong Tsino, at ang may harmonyang pakikisalamuha sa kalikasan batay sa alituntunin ay pilosopiya ng pamumuhay ng sibilisasyong Tsino.
Sa kanyang panayam sa iba't ibang media, inulit ni Punong Ministro Mahathir Mohamad ng Malaysia na hindi natatakot ang kanyang bansa sa Tsina, sapagkat nitong 2,000 taong pagpapalitan ng dalawang bansa sapul noong sinaunang panahon, hindi kailanman sinakop ng Tsina ang Malaysia. Masasabing ang sagot ni Mahathir ay kanyang pagdanas at pagkilala sa naturang pilosopiya ng Tsina sa pakikipamuhuyan sa iba.
Ani Xi, tulad ng lahat ng organismo, kung ang isang sibilisasyon ay magbubukod at hindi iaangkop ang sarili sa tunguhin ng pag-unlad ng panahon, malalanta at mabibigo ito.
Batay sa karanasan ng Tsina at iba pang mga bansa, ang pag-unlad ng sibilisasyon ay nababatay sa pagpupulot ng bungang pansibilisasyon ng iba. Bawat tao ay maaaring magsilbi bilang sugong pansibilisasyon. Noong 2018, mahigit 160 milyong mamamayang Tsino ang naglakbay sa ibayong dagat samantalang mahigit 140 turistang dayuhan ang tinanggap ng Tsina. Bunga nito, mas maraming Tsino ang nakakita ng mga sibilisasyong dayuhan at mas maraming dayuhan ang nakaranas ng kulturang Tsino na posibleng iba sa nalaman nila mula sa teksbuk o ulat ng media.
Ang 43 taong gulang na alagad ng sining sa porselana na si Ryan Labar ay isang patunay ng kahalagahan ng pagpapalitan ng mga tao. Sa Jingdezhen, kilalang lunsod na Tsino sa paggawa ng porselana, nagbukas ang nasabing alagad ng sining na Amerikano ng sariling workshop. Aniya, kahit hindi siya marunong mag-Mandarin, parang "umuwi na siya sa sariling tahanan" sa Jingdezhen, dahil nakikipagpalitan siya sa mga mamamayang lokal sa pamamagitan ng wikang pamporselana.
Sa kanyang talumpati, nananalig din si Xi na sa hinaharap, makikisalamuha ang Tsina nang may mas bukas na palad at pakikitungo, at makakapagbibigay ng mas maraming ambag sa daigdig sa pamamagitan ng mas masiglang sibilisasyon.
Salin: Jade
Pulido: Mac
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |