Ayon sa Xinhua News Agency, sa Moscow, kahapon, ika-16 ng Mayo, isinagawa nina Zhang Jun, Assistant Minister ng Foreign Affairs ng Tsina, at Sergei Vershinin, Deputy Foreign Minister ng Rusya, ang konsultasyon tungkol sa multilateralismo. Nag-usap at nagkasundo ang dalawang panig tungkol sa pagtutulungang estratehiko ng Tsina at Rusya sa larangang multilateral, pamamahala ng daigdig, maigting na suliraning pandaigdig at panrehiyon at pagtutulungan ng BRICS.
Sinabi ni Zhang Jun, na sa pamumunong estratehiko nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Vladimir Putin ng Rusya, pinananatilihing matalik ang relasyon ng Tsina at Rusya at naging pinakamabuti sa kasaysayan. Dapat aniyang tuparin ang kasunduan ng mga pangulo ng dalawang bansa, palalimin ang pagtutulungang estratehiko ng dalawang panig sa larangang multilateral, pangalagaan ang pinakamahalagang karapatan ng dalawang bansa at magbigay ng bagong ambag sa kapayapaan ng daigdig at magkakasamang pag-unlad.
Sinabi ni Zhang Jun, na ang unilateralismo ay ugat ng iba't ibang di-matatag at di-tiyak na suliranin sa daigdig sa kasalukuyan at isinasapanganib nito ang kalakalan, kaayusan at moralidad na pandaigdig. Alam aniya ng lipunang pandaigdig ang di-mabuting impluwensiya ng unilateralismo. Mananatili aniya ang Tsina kasama ng Rusya na sumusunod sa prinsipyo at lumalaban nang matapang. Pananatilihin aniya ng Tsina ang multilateralismo, multilateral na sistema ng kalakalang malaya, bukas at walang diskriminasyon, sistemang pandaigdig na batay sa Mga Nagkakaisang Bansa, kaayusang pandaigdig na batay sa batas na pandaigdig at katarungang pandaigdig.
Ani Vershinin, hindi papayag ang Rusya sa unilateralismo dahil labag ito sa layunin ng United Nations Charter. Palalalimin aniya ng Rusya kasama ng Tsina ang pagtutulungan sa iba't ibang larangan, itataguyod ang antas ng United Nations at Security Council, susunod sa batas na pandaigdig at tuntunin ng relasyong pandaigdig.
Salin: Sylvia